ngayong gabi
ako'y malayang
nagsusulat
walang sinumang
mapanupil ang
makakaligtas
sa kapalarang
guhit ng aking
matalas
at dumudugong
sandata.
/
paano pa kaya tutula
ang talang tinakluban
ng mapanlinlang langit?
/
kung mag-igib kaya ako
sa bukal ng iyong hinuha
ng mga pira-pirasong alala
ng mga nakaraang Paraisong
hindi mapagkakailang nakamtan
ng nilalang na katulad mo?
makakamtan ko rin kaya
ang kalayaang minsan
mong natamasa kapiling
ang mga talang
kulay bahaghari
/
tingin
sa malayo
sa hindi pa
kailanman
naabot
ng mortal
na paningin
damhin
ang hugis
ng mga planetang
hulma sa mukha
ng Manlilikha
tiisin
ang hapdi
ng pagkasunog
ng mga talang
sing ningning
ng iyong
pagkakasala
sa sugundong
pagtakip
ng Kahapon
magigising
ang tunay
na Ikaw
/
malaya ang buwan
kumakanta
nagliliwaliw
nung minsa'y kaniig
nating dalawa
ang kapwa bilanggo
sa maitim na kawalan
ng dilat nating mga mata
matalinghaga
ang sabay
na pagkakakilanlan
ng mga kaluluwang
hinagpis ang siyang
ikinabubuhay
sa laot ng mapait
na Pag-asa
nang bumuka
ang ating mga bibig
nagwala na parang
mapusok na usok
ang katanungang:
nasaan ba ang langit?
/
ang puso ko'y biyolin.
kung sana alam mong tumugtog nito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment